[Infographics] Ernani Cuenco bilang The Man of Music


    
    Si Ernani Joson Cuenco (Er·ná·ni Hó·son Ku·wéng·ko) ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1999. Isa siyang kompositor at propesor ng musika, at naging tanyag at premyado sa kaniyang mga komposisyon para sa peli- kula. Bahagi na ng kasaysayan ng musikang Filipino at ng popular at kolektibong kamalayan ang marami sa kaniyang mga piyesa. Kabilang dito ang “Bato sa Buhangin” (1976); “Diligin Mo ng Hamog ang Uhaw na Lupa” (1975); “Ang Bakya Mo Neneng” (1977); “Ang Babaeng Pinagtaksilan ng Panahon” (1980), “Gaano Ko ikaw Ka- mahal” (1979).  

    Napatanyag din si Cuenco sa daigdig ng pelikula. Ang unang gawad na nakamit niya para sa musical scoring sa pelikulang El Vibora noong 1972 ay nasundan ng marami pang pagkilala mula sa Metro Manila Film Festival, FAMAS, Urian, at Aliw. Batikang manunugtog din si Cuenco. Mula 1960 hanggang 1968 ay naging biyolonselista siya ng Manila Symphony Orchestra sa baton ni Dr. Herbert Zipper, at mula 1966 hanggang 1970, ng Manila Chamber Soloist na inorganisa nina Prop. Oscar Yatco at Basilio Manalo. Nagtanghal din siya sa mga konsiyerto sa Estados Unidos at Japan.  Ang kaniyang mga magulang na sina Felix Cuenco ng Calumpit, Bulacan at si Maria Joson ng Tikay, Malolos, Bulacan ay kapuwa mga guro sa pampublikong paaralan. Pumasok siya sa Konserbatoryo ng Musika ng Unibersidad ng Santo Tomas at nagtapos ng Batsilyer sa Musika (1956), medyor sa piyano at biyolin. Nakamit niya ang digring masteral sa edukasyon sa musika sa Kolehiyo ng Santa Isabel. 

    Nakilala niya sa UST si Magdalena Marcial, isa ring musiko, na kaniyang naging kabiyak. Biniyayaan sila ng dalawang anak.  Nanatiling propesor sa Konserbatoryo ng Musika ng UST si Cuenco nang may tatlong dekada hanggang bawian siya ng buhay noong 1988. Habang siya ay nagtuturo sa UST, naging direktor siya para sa musika sa kolehiyo ng Santa Isabel, Holy Spirit, at San Beda. Kabilang sa kaniyang mga natanggap na gawad ay ang CCP Centennial Honors for the Arts, 1999; Gawad Siglo ng Aliw, mula sa Aliw Awards Foundation, Inc; Ika-12 Aliw Awards, Gallery of Distinction, 1988; Outstanding Tomasian Awardee, 1986; at Outstanding Bulakenyo Award, 1980. (RVR)

Cuenco, Ernani Joson. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/cuenco-ernani-joson/

[Video] Ang propagandista na si Mariano Ponce


Si Mariano Ponce (Mar·yá·no Pón·se) ay isa sa mga lider ng Kilusang Propaganda at kaibigang matalik si Rizal.

Isinilang siyá noong 23 Marso 1863 sa Baliuag, Bulacan kina Mariano Ponce Sr at Maria Collantes. Nakapagtapos siyá ng bachiller en artes sa Colegio de San Juan de Letran noong 1885 at kumuha ng medisina sa Universidad de Santo Tomas. Naging kalihim siyá ng Asociacion Hispano-Filipino, ang organisasyon ng mga liberal na Español at Filipino at ng kanilang kilusang repormista. Isa siyá sa tagapagtatag ng La Solidaridad sa Barcelona, España noong Pebrero 1889. Siyá ang humawak ng seksiyong pampanitikan ng diyaryo nitó. Nakapaglathala siya ng halos 40 artikulo sa La Solidaridad tungkol sa kasaysaysan, politika, sosyolohiya at paglalakbay. Gumamit siyá ng mga sagisag-panulat na Naning, Kalipulako, at Tigbalang.

Nang sumiklab ang Himagsikang1896, ikinulong siyá sa Barcelona. Lumipat siyá sa Pransiya nang makalaya, pagkaraan ay nagtungo sa Hong Kong, at doon ay naging kalihim ng junta revolucionaria ni Emilio Aguinaldo. Noong 1898, hábang nása Japan bilang kinatawan ng pamahalaan ni Aguinaldo, naging kaibigan niya si Dr. Sun Yat-Sen. Nagpakasal din siya kay Okiyo Udanwara, anak ng isang samurai. Nagawa niyang humingi sa mga Japanese ng karagdagang armas para sa rebolusyon, ngunit hindi ito nakarating sa Filipinas dahil nasira ang barkong pinagkargahan ng mga ito.

Bumalik siyá sa bansa noong 1908. Naging patnugot siya ng El Renacimiento at tumulong sa pagtatatag ng El Ideal, ang pahayagan ng Partido Nacionalista. Nahalal siyá bilang kinatawan ng Bulacan sa Philippine Assembly.

Tumulong siyáng mailabas ang Filipino celebres, isang serye ng mga talambuhay ng mga kilalang Filipino Nakipagtulungan din siyá kay Jaime C. de Veyra noong1914 para sa Efemerides Filipinas, isang kalipunan ng mga artikulo hinggil sa makasaysayang pangyayari at personalidad sa Filipinas. Ang ilan sa mga akda niya ay: “El Folklore Bulaqueño” (1887); “Una excursion” (1889); “Pandaypira”; “Villanueva y Gettru” (1890); “Jose Maria Panganiban” (1890), talambuhay ng propagandistang si Jomapa; “Sandwit” (1893); “Siam” (1893); “America en el descubrimiento de Filipinas” (1892); “Cronologia de los ministros de Ultramar Cuestion Filipina” (1900); at “Sun Yat-Sen” (1912). (KLL)

Ponce, Mariano. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ponce-mariano/

[Collage] Mariano Ponce bilang Naning, Tikbalang at Kalipulako



March 23, 1863, isinilang siya sa Baliuag, Bulacan. Nag-aral sa Letran at UST bago tumulak pa-España noong 1881 upang mag-aral ng medisina at samahan ang Kilusang Propaganda na humihingi ng reporma sa mga mananakop na Espanyol. Patnugot siya ng poetry section ng kilusan, at sa La Solidaridad na kanyang itinatag noong 1889, sumulat sa alyas na Naning, ang kanyang palayaw, Tikbalang, at Kalipulako, ang inaakalang orihinal na pangalan ni Lapu-Lapu.

Matapos maaresto sa Pilipinas ng dalawang araw sa pagsiklab ng himagsikan, tumakas pa-Pransiya at hindi naglaon sa Hongkong upang sumama sa ilang Tsino at Tsinoy na nangampanya para sa Pilipinas sa labas ng bansa, ang Junta Revolucionaria.


Siya ang naghanda ng balangkas para sa pamahalaang rebolusyunaryo sa muling pag-uwi ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Pilipinas, naging isa sa pinakauna nating mga diplomat at pumunta sa Yokohama, Japan upang bumili ng amunisyon para sa rebolusyon ngunit lumubog ang segunda manong barko dahil sa bagyo at hindi nakarating ang mga bala sa Pilipinas. Kung titingnan ang larawang ito na kinunan sa Yokohama, naging magkaibigan pala sila ni Sun Yat Sen, ang Ama ng Modernong Bansang Tsina.


Sinulat niya ang kanyang alaala Cartas Sobre la Revolucion. Ang lolo mo rin ang isa sa unang popular historian, kolumnista siya ng mga historikal na pitak sa kanyang Filipino Celebres at Efemerides Filipinas kasama si Jayme C. de Veyra. Sinusundan siya ng mga katulad nina Carmen Guerrero Nakpil, Ambeth Ocampo, at Jaime Veneracion.


Sa kanyang pagtungo sa Hongkong upang bisitahin ang kanyang kaibigang si Sun yat Sen, namatay siyang bigla sa Civil Hospital ng Hongkong noong May 23, 1918 sa edad na 55. 


Chua, X. (2013, March 2013). Ang Istorya ng Buhay ni Mariano Ponce(Ponce@150). Retrieved from It's XiaoTime: https://xiaochua.net/2013/03/20/xiao-time-20-march-2013-ang-istorya-ng-buhay-ni-mariano-ponce-ponce150/

[Photo] Ang Ama ng Sining ng Pilipinas

 


Si Guillermo Estrella Tolentino (Gil·yér·mo Es·trél·ya To·len·tí·no) ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Eskultura noong 1973. Siyá ay isa sa mga nangungunang Filipinong eskultor at itinuturing na kampeon ng klasisismo sa sining Filipino.

Unang umani ng pambansang pagkilala ang husay ni Tolentino bilang eskultor sa kaniyang likhang Bantayog ni Bonifacio na matatagpuan sa gitna ng rotonda sa Lungsod Caloocan na ngayon ay mas kilala bilang Monumento. Tampok sa bantayog na ito ang tableau ng mga pigurang yari sa tanso na nagsasadula ng pinakamaiigting na yugto at hulagway ng Himagsikang 1896.

Nagtapos sa School of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas si Tolentino. Nagpatuloy siyá ng pag-aaral ng eskultura sa Beaux Art School sa New York City. Matapos ang dalawang taon ay nagtungo siyá sa Europa at nag-aral sa Royal Academy of Fine Arts sa Rome. Dito siyá naglunsad ng unang solo exhibit, kasáma ang obrang Saluto Romano. Nagwagi rin ng ikalawang karangalan ang obra niyáng Four Horsemen of the Apocalypse sa isang paligsahan sa eskultura sa Rome. Bumalik siyá noong 1925 sa Filipinas at naging propesor sa School of Fine Arts ng UP. Naging Direktor siyá nitó noong 1953 hanggang sa kaniyang pagreretiro bilang Professor Emeritus noong 1955. Sa panahong ito nilikha ni Tolentino ang Oblation bilang parangal sa mga bayani ng bansa. Pigura ito ng hubad na kabataang lalaki na nakadipa at nakatanaw sa itaas. Naging simbolo ito ng kalayaan at pananagutang pang-akademya para sa pamayanan ng UP.

Marami pa siyáng ibang nilikhang dakilang pigura at dahil dito’y tinanggap niyá ang mga parangal na tulad ng Rizal Pro-Patria Award (1961); Patnubay ng Sining at Kalinangan para sa Eskultura ng Lungsod Maynila(1963). Isinilang si Tolentino noong 24 Hulyo 1890 sa Malolos, Bulacan kina Isidro Tolentino at Balbina Estrella. Ikinasal siyá kay Paz Raymundo at nagkaroon sila ng pitong anak. Naging kamag-aral, kaguro sa UP, kaibigang matalik at tagapagtanggol niyá si Fernando Amorsolo. Namatay si Tolentino noong 12 Hulyo 1976 sa edad na 86. (RVR) (ed GSZ)

Tolentino, Guillermo E.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tolentino-guillermo-e/

[Video] Ang Batang Elias na si Guillermo Tolentino


“It is beyond doubt that Professor Tolentino is the first and last master in the representation of the human form in the Philippines.” --- Napoleon V. Abueva

Mayo 2011-- Si Guillermo Estrella Tolentino ay isinilang sa Malolos, Bulacan noong Hulyo 24, 1890. Siya ang pang-apat sa walong anak. Ang kanyang ama ay mananahi, na ang nag-iisang likhang sining ay ang pag-ibig sa pagtugtog ng gitara. Si Guillermo o Memong, bilang tawag sa kanya ng kanyang pamilya, ay nagmana ng kasanayang pansining na ito. Bukod dito, si Memong ay naging isa sa tatlong pinakamahusay na mga gitarista sa Pilipinas sa kanyang panahon.

Bago ang kanyang pormal na pag-aaral, ginamit niya ang paghulma ng mga kabayo at aso sa luwad, mula sa mga materyales sa pampang ng mga fishpond sa bayan. Nag-aral siya sa Malolos Intermediate School. Mula ikalima hanggang ikaanim na baitang, ang kanyang guro ay si Gng. H.A. Bordner na nagbigay din sa kanya ng kanyang unang tagubilin sa pagguhit.

Hindi nagtagal, nag-aral siya sa Malolos high school sa loob ng dalawang taon. Nang marinig niya mula sa kanyang pinsan na mayroong isang paaralan ng sining sa Maynila, siya ay lumipat sa Manila high school sa Intramuros. Tuwing hapon, dumadalo siya sa mga klase sa School of Fine Arts, University of the Philippines. Kumuha siya ng klase sa pagguhit na ang guro ay si Vicente Rivera. Nagpasya rin siyang kumuha ng mga klase sa iskultura, sa ilalim ni Vicente Francisco. At duon niya nadiskubre na mas interesado siya sa iskultura kaysa sa pagpipinta.

Noong 1911, habang nasa high school pa lamang siya, iginuhit niya nang magkakasama sina Rizal, Burgos, Antonio at Juan Luna, Regidor at iba pa. Ang kanyang Tata Pepe, kung saan siya nakatira, ay nagtagumpay na himukin si Severino Reyes na ilithographed ang larawan na iginuhit ni Guillermo. Pagkatapos ay nai-publish ito sa Liwayway, na ang patnugot ay si Reyes, sa ilalim ng pamagat na Grupo de Filipino Ilustros. Bagaman si Tolentino ay hindi kailanman nakakuha ng isang centavo mula sa larawan, nasiyahan na siyang makita ang kanyang iginuhit sa mga tahanan ng mga tao saanman.

Habang nag-aaral sa School of Fine Arts, sinuportahan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawain para sa iba`t ibang mga marmolerias sa Maynila. Noong 1914, ginawa niya ang kanyang unang mahalagang gawain para sa arkitekto na si Juan Arellano. Ang pigura ay ang isang babaeng nagdarasal laban sa krus para sa libingan ng pamilya Palma sa Cementerio del Norte. Sa parehong taon, inexecute niya ang mga pigura na dinisenyo ni Arellano sa harapan ng Casino Español sa Taft Avenue.

Noong 1915, nagtapos siya sa Pagpipinta at Paglililok sa School of Fine Arts, na may mga parangal  ng karangalan sa lahat ng mga paksang kinuha. Gayunpaman, nagpasya siyang manatili ng isa pang taon. Sa panahong ito, nirender niya ang bantayog ng San Miguel de Mayumo na kumakatawan sa kasunduan ng Biak na Bato. Si Juan Arellano ang nagdisenyo nito.

Ginugol ni Tolentino ang taon ng 1918 pangunahing sa Laguna. Doon, nakipagtulungan siya sa kontratista na si Tomas Zamora na gumagawa ng mga monumento ni Rizal, isang mausoleum, at iba pa. Ang kanyang mga kaibigan, lalo na si Precioso Palma, ay hinimok siyang magbukas ng sariling tindahan. Inalok pa nila siya ng pera upang magawa ito. Hindi niya tinanggap at nang tanungin kung bakit, mahina niyang sinabi ang, "Dahil hindi pa ako scupltor" (Paras-Perez, 1972).

Hindi nagtagal, nagpasya siyang pumunta sa Amerika. Noong 1919, nakarating siya sa Washington, D.C. Nagtrabaho siya bilang isang waiter sa isang cafe sa Rock Creek Park. Hango sa mga ginawa ni Pangulong Woodrow Wilson para sa kapayapaan, gumawa siya ng isang maliit na estatwa na sumasagisag sa "kapayapaan" - umaasa na balang araw maipakita niya ito sa Pangulo. Ipinagtapat niya ito sa tagapamahala ng cafe na kalaunan ay nakipag-usap ng pribado patungkol sa estatwa sa sekretarya ni Ginang Wilson, na madalas na bumisita sa cafe. Hindi naglaon, na-secure ni Tolentino ang isang madla kasama si Pangulong Wilson sa White House, na minamarkahan ang naging punto na simula ng kanyang career.

Sa pamamagitan ng $300 na ipon, nagpunta siya sa New York upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Ilang buwan makalipas niyang makarating sa New York, nakatanggap siya ng isang sulat mula kay Bernard Baruch, isang Amerikanong milyonaryo. Sinabi ni Baruch na nakita niya ang rebulto ng kapayapaan na ginawa ni Tolentino at handa siyang bigyan siya ng iskolarship. Pagkatapos nito, nagpatala siya sa Ecole de Beaux Arts para sa mga advanced na kurso sa scuplture. Habang nag-aaral, nagtrabaho siya bilang mensahero at kanang-kamay sa Amerikanong iskultor na si Gutzon Borglum, kumikitata siya ng $11 sa isang linggo. Noong 1921, natapos niya ang kanyang kurso sa Ecole de Beaux Arts na may mga monetary, medalya, at diploma. Sa parehong taon, umalis siya patungo sa Europa.

Si Tolentino ay nanatili sa London nang isang linggo, na dumadalaw sa mga museo at gallery ng sining. Nagpunta siya sa Paris at nanatili doon nang isang linggo. Pagkatapos, lumipat siya sa Roma kung saan ginugol niya ang sumunod na tatlo at kalahating taon. Doon ay pumasok siya sa Regge Instituto Superiore di Belle Arti di Roma.

Pagkalipas ng isang taon, naubos ang perang naipon niya sa New York. Sumulat siya kay Jaime de Veyra, Resident Commissioner sa Washington, upang sabihin na nahihirapan siyang maghanap ng trabaho sa Roma. Sumulat si De Veyra sa kanyang mga kaibigan sa Pilipinas; ang ilan sa mga pahayagan sa Maynila ay inihayag ito, at halos Php 800 ang naipon para kay Tolentino. Si Giovanni Lammoglia, pinuno ng kolonya ng Italya sa Maynila, ay sinustentuhan din siya sa loob ng isang taon.

Sa Roma, nilikha niya ang Saluto Romano at nagwagi ng pangalawang gantimpala sa isang kumpetisyon sa iskultura para sa kanyang pag-aaral ng The Four Horsemen of the Apocalypse. Noong 15 Oktubre 1923, nagtapos siya mula sa Regge Instituto Superiore di Belle Arti di Roma na may pinakamataas na karangalan - Licenziato del Corso Superiore Librero di Scultura. Nagdaos din siya ng isang pang-isang tao na eksibisyon sa Roma nang siya ay makapagtapos.

Noong 1925, naglayag siya pauwi. Sumakay siya ng isang bangka pauwi na pag-aari ng Campana Tabacalera de Filipinas na naglalakbay mula sa Barcelona. Inalok siya ng vessel ng second class na byahe ng libre. Binuksan niya ang kanyang estudyo sa Maynila noong Enero 24. Noong 1926, hinirang siya ng Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas na si Rafael Palma na maging guro sa iskultura sa U.P. School of Fine Arts.

Noong Agosto 9, 1930, isang hurado, na itinalaga upang piliin ang pinakamahusay na disenyo ng paggalang sa Supremo ng Katipunan, ay nagpulong. Ang mga disenyo ay ipinasok sa ilalim ng mga palayaw. Ang nanalong entry ay sa ilalim ng sagisag ng Batang Elias - Si Tolentino ay Batang Elias. Siya ang nanalo na magdisenyo para sa Bonifacio Monument at binigyan siya ng isang komisyon para sa pag-install nito. Nakumpleto niya ang mga pigura para sa monumento noong 1932. Pagkatapos, ipinadala niya ang mga pigura sa Italya para sa bronze casting. Noong 1933, natapos niya ang Bonifacio Monument.

Nagtrabaho si Tolentino sa Oblation sa halos parehong oras na ginawa niya ang Bonifacio Monument. Ginawa niya ang Oblation na isang pagsasama-sama ng solidong pangangatawan ni Anastacio Caedo, ang kanyang iskultor/katulong, at ang taas at proporsyon ni Virgilio Raymundo, bayaw ni Caedo.

Ang Pangulo ng UP na si Rafael Palma ang kinomisyon ang bantayog. Noong 1935, ang Oblasyon ay nailahad sa orihinal nitong site sa Padre Faura Quadrangle sa U.P. Maynila. Hindi naglaon ay inilipat ito sa U.P. Diliman noong 1949. Ngayon, ang Oblasyon ay nagiging simbolo ng kalayaan sa akademiko sa U.P.

Noong Oktubre 25, 1935, inanunsyo ng U.P. Alumni Association ang plano nitong magtayo ng isang arko upang gunitain ang inagurasyon ng Commonwealth of the Philippines. Hiniling nila na si Tolentino ang maghanda ng disenyo at ang maquette.

Hindi nagtagal bago makabuo ng maquette si Tolentino. Inaprubahan ni Pangulong Quezon at ng National Assembly ang disenyo. Ang halaga ng monumento ay itinakda sa humigit-kumulang na Php 500,000. Ang pondo ay kulang ngunit noong Nobyembre 15, 1938, inilatag ni Ginang Aurora Quezon ang unang dulos na puno ng semento sa pundasyon ng bantayog. Ang Commonwealth Triumphal Arch ay dapat na ilagay sa intersection ng Padre Burgos at Taft Avenue sa harap ng Legislative Building. Sa kasamaang palad, nakagambala ang giyera at ang tagumpay ng arko ay hindi kailanman naitayo.

Noong Hulyo 23, 1951 sa pagkawala ni Fernando Amorsolo, si Tolentino ay hinirang na Acting Director ng School of Fine Arts. Noong Agosto 4, 1953, siya ay hinirang na Direktor.

Matapos ang dalawampu't siyam na taon ng paglilingkod sa Unibersidad, si Tolentino ay bumalik sa pribadong pagsasanay noong 1955. Pagkaraan ng kanyang pagreretiro, ang U.P. Board of Regents ay pinangalanan siya bilang Propesor Emeritus. Sa parehong taon, idineklara siya ng Philippine Institute of Architects na Scupltor of the Year.

Bukod dito, nakatanggap siya ng iba't ibang mga parangal at pagsipi sa larangan ng iskultura. Noong 1959, natanggap niya ang UNESCO Cultural Award sa Sculpture. Noong 1963, nakuha niya ang Araw ng Maynila Award sa Sculpture. Noong 1970, ipinagkaloob din sa kanya ang President's Medal of Merit para sa mga kontribusyon niya sa pagbuo ng bansa sa pamamagitan ng kanyang namumukod-tanging gawain sa sining partikular na sa iskultura.

Natanggap din ni Tolentino ang Republic Cultural Heritage Award noong 1967 para sa kanyang ambag sa pangangalaga, pagbuo, at pagpapayaman ng kulturang Pilipino. Noong 1972, binigyan siya ng Diwa ng Lahi Award, ang pinakamataas na karangalan sa isang linggo na pagdiriwang ng Linggo ng Kalinangan sa Maynila. At saka, noong Marso 4, 1973 ginawaran siya ng isang plaka ng First Lady Imelda Romualdez Marcos para sa kanyang magagaling na serbisyo na isinagawa sa pagsulong ng sining sa Pilipinas.

Gayundin noong Hunyo 12, 1973, natanggap ni Tolentino ang National Artist Award alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1144 na may petsang Mayo 14,  1973, bilang pagkilala sa kanyang bihirang kahusayan at makabuluhang kontribusyon sa iskultura.

Noong Hulyo 12, 1976, labindalawang araw bago ang kanyang ika-86 kaarawan, namatay si Guillermo E. Tolentino alas-8:00 ng gabi sa edad na walumpu't limang taon sa kanyang bahay sa 2102 Retiro Street.

Manalo-Castor, L. (n.d.). Guillermo Estrella Tolentino: A Classic of His Time. Retrieved from Artes de Las Filipinas: http://www.artesdelasfilipinas.com/archives/104/guillermo-estrella-tolentino-a-classic-of-his-time

[Collage] Ang kagalingan ni Guillermo Tolentino


Si Guillermo Estrella Tolentino ay isang batikang iskultor at guro ng Pilipinas. Kaibigan siya ng pintorr na si Fernando Amorsolo.

Ipinanganak si Tolentino noong Hulyo 24, 1890 sa Malolos, Bulakan kay Isidro Tolentino at Balbina Estrella. Siya ay mag-aaral ni Gng. H. A. Bordner na siyang unang nagturo sa kanya ng pagguguhit sa Paaralang Intermedyaryo ng Malolos. Nagtapos siya ng mataas na paaralan sa Mataas na Paaralan ng Maynila. Dahil sa kanyang sariling pagsisikap, nakapagtapos siya ng kurso ng pinong sining sa Pamantasan ng Pilipinas noong 1915. Lumakbay papuntang Mga Nagkakaisang Estado noong 1919 at pinagkalooban siya ng iskolarsyip ni Bernard Baruch, isang Amerikanong milyonaryo sa Paaralan ng Sining Beaux, Lungsod ng Bagong York at tinapos niya na may mga gawad noong 1921. Sa taong din iyon, lumakbay siya sa Europa, pumupunta sa mga tanyag na museo at galerya sa Londres at Paris. Noong 1922, siya ay pumasok sa Regge Istituto di Belle Arti, nakapagtapos ng pag-aaral nang bahagya sa pamamagitan ng lingap ng kolonyang Italyanong sa Maynila. Sa Roma, gumanap ang kanyang unang pang-isahang eksibisyon kung saan kabilang ang Saluto Romano (Saludong Romano). Sa paligsahang pang-iskultura na ginanap sa Lungsod ng Walang Hanggan, ang kanyang Apat na Mangangabayong Apokalipsis na napanalunan niya ng ikalawang gantimpala. Umuwi sa Pilipinas noong 1924 at nagsarili sa loob ng isang taon. Noong 1926, siya ay inatasan bilang guro sa Paaralan ng Pinong Sining ng Pamantasan ng Pilipinas at kinalaunang naging propesor, kalihim, at sa huli tagapamahala. Namuno siya ang Paaralan mula sa 1953 hanggang sa kanyang pagreretiro bilang Emeritong Propesor noong 1955. Noong 1932, siya'y lumagay sa tahimik kay Paz Raymundo at nagkaroon ng pitong anak.


Nakilala si Tolentino sa buong bansa nang dahil sa Monumento ni Bonifacio na may maraming pigurang kasinlaki ng tao na dinisenyo noong 1930 at inilantad noong 1933. Nakapaglikha din siya ng iba pang mga tanyag na bantayog tulad ng mga Oblasyon ng Pamantasan ng Pilipinas, ang bantayog ni Pangulong Ramon Magsaysay sa bulwagang pasukan ng GSIS, at ang Luwalhati ng Pamantasan ng Silangan.

Nakapaggawa rin siya ng mga maraming rebulto ni Lapulapu, Antonio Luna, Gregorio del Pilar, Jose Rizal, Manuel Quezon, Epifanio de los Santos, A.V.H Hartendorp, Fernando Amorsolo, Carlos P. Romulo, Jose Cojuangco, Manuel Roxas, Jaime at Sofia de Veyra.

Kinumpleto niya ang ugnay-ugnay ng anim na pansilangang mananayaw, kabilang ang mananayaw na pambibliya na si Salome, Maria Clara, Persyana, Havanesa, at mga mananayaw Tsino. Nakagawa siya ng pigurang alegorika tulad ng mga Pilipina, tinatawag din Alipin, isang pigura ng babaeng hubad na nakagapos ng mga guyuran. Nakagawa rin siya ng mga imaheng panrelihiyon, tulad ng Imakuladang Konsepsyon at ang Madona at ang Bata. Dinisenyo niya ang Gawad Maria Clara para sa pelikula, at iba pang mga tropeo at medalya.


Namatay siya noong July 12, 1976 sa edad na 86.


Guillermo Tolentino. (2020). Retrieved from Wikipedia: https://tl.wikipedia.org/wiki/Guillermo_Tolentino

[Drawing] Justice of Peace - Isidoro Torres


Si Isidóro Tórres ay isang heneral sa Himagsikang Filipino. Kasapi siyá ng Katipunan at kilalá sa kaniyang grupo bilang “Matang Lawin.” Isa siyang mahusay na lider at estratego ng mga rebolusyonaryo.


Isinilang siyá noong 10 Abril 1866 sa Matimbo, Malolos, Bulacan kina Florencio Torres at Maria Dayao. Nag-aral siyá ng cartilla sa ilalim ni Maestro Jose Reyes, at nag-aral ng gramatika sa Malolos. Nakapagtapos siyá ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran, at ng bachiller en artes sa Universidad de Santo Tomas.


Noong 1882, nasangkot siyá sa pagpatay kay Padre Moises Santos, ang paring nagpataw ng mataas na bayarin sa simbahan. Napawalang-sala din siyá dahil sa reputasyon at impluwensiya ng kaniyang pamilya.


Naging cabeza de barangay siyá mula 1890 hanggang1892. Hábang nása naturang katungkulan, sumali din siyá sa Katipunan. Kasáma sina Deodato Arellano, Doroteo Karagdag, Juan de Leon, at Manuel Crisostomo, binuo niya ang Sangguniang Lalawigang Balangay Apoy, ang sangay ng Katipunan sa Bulacan. Nang matuklasan ang kilusang rebolusyonaryo, nagtungo siyá sa Masukol, Paombong, Bulacan at doon tinipon ang 3000 tauhan mula sa Hagonoy at Tondo.


Naging mahusay siyáng lider at estratego ng mga rebolusyonaryo: naharang niya ang mga Español sa Ilog ng Masukol noong20 Nobyembre 1896; naging koronel matapos ang labanan sa Biak-na-Bato; naging brigadier general noong Hunyo 2897; nakuha ang Macabebe, Pampanga kasáma si Heneral Geronimo noong 3 Hulyo 1898. Naging kinatawan siyá ng Balabac sa Kongresong Malolos, lumaban sa Maynila sa ilalim ni Heneral Antonio Luna, at hinirang na gobernador militar ng Bulacan.


Nang muling pumayapa sa Bulacan, inalok siyá ng puwestong gobernador ngunit tinanggihan niya ito. Sa halip, nagpunta siya sa Singapore, at pagkaraan sa Japan. Bumalik siyá sa bansa noong 1903 at nanirahan sa San Antonio, Nueva Ecija kasáma ang asawang si Amelia Bernabe. Naging justice of peace siyá mula 1910 hanggang 1912. Naluklok siya bilang konsehal at pagkaraan bilang kinatawan sa Philippine Assembly.


Namatay siyá noong 5 Disyembre 1928. Sinaliksik ng National Historical Commission ang tungkol sa kaniyang buhay, at nagpasinaya ng isang marker sa lugar ng kaniyang kapanganakan. 


Torres, Isidoro. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/torres-isidoro/

[Article] Isidoro Torres bilang Matang Lawin


Gen. Isidoro Torres. (n.d.). Retrieved from Bulacan: https://www.bulacan.gov.ph/generalinfo/hero.php?id=18

Ang Paniniwala ni Isidoro Torres noong panahon ng mga Espanyol at Amerikano kaya pinarangalan siya ngayon ng kanyang mga kapwa Pilipino. "Kung sa maraming pagkakataon ay ipinakipag-sapalaran mo ang buhay mo alang-alang sa ikalalaya ng bayan, ito ay matatawag ding kabayanihan"

Si Isidoro ay ipinanganak sa Malolos, Bulacan noong Abril 10, 1866. Ama niya si Florencio Torres at ina naman niya si Maria Dayao. Tinapos niya ang mga unang leksiyon sa kartilya sa patnubay ni Maestro Jose Reyes. Kumuha rin siya ng gramatiko sa Malolos; ng sekundarya sa Letran at ng Bachelor of Arts sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Bata pa lang ay naging panuntunan na ni Isidorong ibigay ang katarungan sa lahat ng tao sa kaniyang kapaligiran.

Inis siya sa sinumang umaagaw ng karapatan at tumatapak sa dangal ng mga mahihirap. Ito ang dahilan kung kaya't napasangkot siya sa isang planong pagpatay sa isang kura parokong di makatarungang nagtaas ng mga singiling pansimbahang higit na nagpahirap sa mga maralitang kababayan.

Sa mga layuning panlipunang ipinakikipaglaban, nakilala at nagustuhan ng mga taga-Malolos si Isidoro. Nahalal siyang Cabeza de Baranggay noong 1890.

Upang lalong mapagsilbihan ang mga kababayan na noon ay inaalipin ng mga Kastila, naging aktibong miyembro siya ng Katipunan at inorganisa niya ang "Sangguniang Lalawigang Balangay Apoy" sa Bulacan.

Nang malantad ang Katipunan, dali-daling nagtago si Isidoro sa Paombong at pailalim na tumulong sa 3,000 tauhan. Naging matagumpay ang pakikipaglaban nina Isidoro sa Bustos, San Miguel at Calumpit noong 1896. Sa mga labanang iyon, kung may mga katipunerong duguan ay higit namang maraming Kastila ang nangamatay.

Nang muling mapalaban at magtagumpay din sa Biak na Bato ay nataas ang ranggo niya bilang Koronel. Sapagkat ipinakita ni Isidoro ang kabayanihan sa maraming labanan, hinirang siyang Brigadier General ni Aguinaldo nang magkaroon ng sonang militar sa Gitnang Luzon.

Si Isidoro na lalong kilala sa tawag na "Matang lawin" ay hinangaan nang mapasuko niya ang mga Kastila sa Macabebe, Pampanga noong 1898.

Nang itatag ang Central Government of Luzon noong 1900 sa ilalim ni Heneral Pantaleon Garcia, si Isidoro ay nanungkulan bilang gobernador ng Bulacan. Sa kaniyang panunungkulan, sinanay niya ang mga tauhan upang maging gerilya at malawakang lumaban sa mga Amerikano.

Bilang isang maginoong sundalo, binigyang diin niya sa mga nakababatang pinuno na napakahalaga ng buhay ninuman kaya dapat lang rebisahin ang mga kaso ng mga bihag ng digmaan at hindi dapat agad-agad na hatulan ng kamatayan.

Nang makamit ng Bulacan ang pangkalahatang kapayapaan at imbitahan siyang ipagpatuloy ang pagiging gobernador dito ay nagpakatanggi-tanggi siya. Nangibang bansa si Isidoro kasama ang maybahay na si Amalia Bernabe. Sa pagbabalik niya ay nanungkulan siya sa San Antonio, Nueva Ecija kung saan hinirang siya bilang Hukom Pangkapayapaan. Nanungkulan din siya bilang delegado ng Philippine Assembly.

62 anyos lang si Isidoro nang sumakabilang buhay noong Disyembre 5, 1928.

[Drawing] Maximo Viola


Si Maximo Sison Viola (Mák·si·mó Sí·son Vi·yó·la) ay isang manggagamot at tagasuporta ng Kilusang Propaganda. Kilalá siyá bilang tagapag-ingat at tagatustos ng pagpapalimbag ng Noli me Tangere ni Jose Rizal.


Noong 1887, pinondohan ni Viola ang pagpapalimbag ng2,000 sipi ng unang nobela ni Rizal. Bilang pasasalamat, iginawad sa kaniya ni Rizal ang unang kopya ng aklat. Sinamahan din niya si Rizal sa paglibot sa Alemanya, Austria, Hungary, at Switzerland; at nakilala rin niya ang isa pang butihing kaibigan ni Rizal, si Ferdinand Blumentritt. Pagkaraan ay bumalik si Viola sa Filipinas at naglingkod bilang isang doktor sa mga kababayan. Noong dekada 20, nagwagi siyá ng ilang parangal para sa mga idinisenyo niyang furniture na itinanghal sa mga eksposisyon sa Maynila.


Sumulat si Viola ng pagbabalik-tanaw sa kaniyang pakikipagkaibigan kay Rizal, at lumabas ito sa El Ideal, isang pahayagan sa wikang Español, noong 1913. Isinalin ito sa Ingles para sa Manila Times noong 1950–1951 ni Alejandro R. Roces.


Isinilang siyá noong noong 7 Oktubre 1857 sa San Miguel de Mayumo, Bulacan kina Pedro Viola at Isabel Sison, na kapuwa mula sa mariwasang pamilya. Nagtapos siyá sa Colegio de San Juan de Letran at kumuha ng kurso bilang paghahanda sa medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas. Noong 1882, tumulak siyá patungong España upang mag-aral ng medisina sa Unibersidad ng Barcelona. Doon niya nakilála at naging malapit na kaibigan si Jose Rizal. Nagkaroon siyá ng limang anak kay Juana Roura, na isa ring taga-San Miguel. Pumanaw siyá noong 3 Setyembre 1933 sa kaniyang baying sinilangan. Isang pananda sa kaniyang kabayanihan ang inilagay noong 1962 sa San Miguel, Bulacan.



Viola, Maximo S.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/viola-maximo-s/