Si Guillermo Estrella Tolentino (Gil·yér·mo Es·trél·ya To·len·tí·no) ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Eskultura noong 1973. Siyá ay isa sa mga nangungunang Filipinong eskultor at itinuturing na kampeon ng klasisismo sa sining Filipino.
Unang umani ng pambansang pagkilala ang husay ni Tolentino bilang eskultor sa kaniyang likhang Bantayog ni Bonifacio na matatagpuan sa gitna ng rotonda sa Lungsod Caloocan na ngayon ay mas kilala bilang Monumento. Tampok sa bantayog na ito ang tableau ng mga pigurang yari sa tanso na nagsasadula ng pinakamaiigting na yugto at hulagway ng Himagsikang 1896.
Nagtapos sa School of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas si Tolentino. Nagpatuloy siyá ng pag-aaral ng eskultura sa Beaux Art School sa New York City. Matapos ang dalawang taon ay nagtungo siyá sa Europa at nag-aral sa Royal Academy of Fine Arts sa Rome. Dito siyá naglunsad ng unang solo exhibit, kasáma ang obrang Saluto Romano. Nagwagi rin ng ikalawang karangalan ang obra niyáng Four Horsemen of the Apocalypse sa isang paligsahan sa eskultura sa Rome. Bumalik siyá noong 1925 sa Filipinas at naging propesor sa School of Fine Arts ng UP. Naging Direktor siyá nitó noong 1953 hanggang sa kaniyang pagreretiro bilang Professor Emeritus noong 1955. Sa panahong ito nilikha ni Tolentino ang Oblation bilang parangal sa mga bayani ng bansa. Pigura ito ng hubad na kabataang lalaki na nakadipa at nakatanaw sa itaas. Naging simbolo ito ng kalayaan at pananagutang pang-akademya para sa pamayanan ng UP.
Marami pa siyáng ibang nilikhang dakilang pigura at dahil dito’y tinanggap niyá ang mga parangal na tulad ng Rizal Pro-Patria Award (1961); Patnubay ng Sining at Kalinangan para sa Eskultura ng Lungsod Maynila(1963). Isinilang si Tolentino noong 24 Hulyo 1890 sa Malolos, Bulacan kina Isidro Tolentino at Balbina Estrella. Ikinasal siyá kay Paz Raymundo at nagkaroon sila ng pitong anak. Naging kamag-aral, kaguro sa UP, kaibigang matalik at tagapagtanggol niyá si Fernando Amorsolo. Namatay si Tolentino noong 12 Hulyo 1976 sa edad na 86. (RVR) (ed GSZ)
Tolentino, Guillermo E.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tolentino-guillermo-e/
No comments:
Post a Comment