Si Maximo Sison Viola (Mák·si·mó Sí·son Vi·yó·la) ay isang manggagamot at tagasuporta ng Kilusang Propaganda. Kilalá siyá bilang tagapag-ingat at tagatustos ng pagpapalimbag ng Noli me Tangere ni Jose Rizal.
Noong 1887, pinondohan ni Viola ang pagpapalimbag ng2,000 sipi ng unang nobela ni Rizal. Bilang pasasalamat, iginawad sa kaniya ni Rizal ang unang kopya ng aklat. Sinamahan din niya si Rizal sa paglibot sa Alemanya, Austria, Hungary, at Switzerland; at nakilala rin niya ang isa pang butihing kaibigan ni Rizal, si Ferdinand Blumentritt. Pagkaraan ay bumalik si Viola sa Filipinas at naglingkod bilang isang doktor sa mga kababayan. Noong dekada 20, nagwagi siyá ng ilang parangal para sa mga idinisenyo niyang furniture na itinanghal sa mga eksposisyon sa Maynila.
Sumulat si Viola ng pagbabalik-tanaw sa kaniyang pakikipagkaibigan kay Rizal, at lumabas ito sa El Ideal, isang pahayagan sa wikang Español, noong 1913. Isinalin ito sa Ingles para sa Manila Times noong 1950–1951 ni Alejandro R. Roces.
Isinilang siyá noong noong 7 Oktubre 1857 sa San Miguel de Mayumo, Bulacan kina Pedro Viola at Isabel Sison, na kapuwa mula sa mariwasang pamilya. Nagtapos siyá sa Colegio de San Juan de Letran at kumuha ng kurso bilang paghahanda sa medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas. Noong 1882, tumulak siyá patungong España upang mag-aral ng medisina sa Unibersidad ng Barcelona. Doon niya nakilála at naging malapit na kaibigan si Jose Rizal. Nagkaroon siyá ng limang anak kay Juana Roura, na isa ring taga-San Miguel. Pumanaw siyá noong 3 Setyembre 1933 sa kaniyang baying sinilangan. Isang pananda sa kaniyang kabayanihan ang inilagay noong 1962 sa San Miguel, Bulacan.
Viola, Maximo S.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/viola-maximo-s/
No comments:
Post a Comment