[Drawing] Ang Pangbansang Alagad ng Sining sa Musika


Si Ernani Joson Cuenco (Er·ná·ni Hó·son Ku·wéng·ko) ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1999. Isa siyang kompositor at propesor ng musika, at naging tanyag at premyado sa kaniyang mga komposisyon para sa pelikula.

Bahagi na ng kasaysayan ng musikang Filipino at ng popular at kolektibong kamalayan ang marami sa kaniyang mga piyesa. Kabilang dito ang


  • “Bato sa Buhangin” (1976); 
  • “Diligin Mo ng Hamog ang Uhaw na Lupa” (1975); 
  • “Ang Bakya Mo Neneng” (1977); 
  • “Ang Babaeng Pinagtaksilan ng Panahon” (1980), 
  • “Gaano Ko ikaw Kamahal” (1979). 


Ang mga awiting ito ay kinilala ng mga samahang pampelikula gaya ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) at ng Urian.


Napatanyag din si Cuenco sa daigdig ng pelikula. Ang unang gawad na nakamit niya para sa musical scoring sa pelikulang El Vibora noong 1972 ay nasundan ng marami pang pagkilala mula sa Metro Manila Film Festival, FAMAS, Urian, at Aliw.


Batikang manunugtog din si Cuenco. Mula 1960 hanggang 1968 ay naging biyolonselista siya ng Manila Symphony Orchestra sa baton ni Dr. Herbert Zipper, at mula 1966 hanggang 1970, ng Manila Chamber Soloist na inorganisa nina Prop. Oscar Yatco at Basilio Manalo. Nagtanghal din siya sa mga konsiyerto sa Estados Unidos at Japan.


Ang kaniyang mga magulang na sina Felix Cuenco ng Calumpit, Bulacan at si Maria Joson ng Tikay, Malolos, Bulacan ay kapuwa mga guro sa pampublikong paaralan. Maagang nalantad si Cuenco sa musika dahil isang mahusay na biyolinista ang kaniyang ama. Nagsimula siyang magaral ng musika noong anim na taong gulang pa lamang siya.


Pumasok siya sa Konserbatoryo ng Musika ng Unibersidad ng Santo Tomas at nagtapos ng Batsilyer sa Musika (1956), medyor sa piyano at biyolin. Nakamit niya ang digring masteral sa edukasyon sa musika sa Kolehiyo ng Santa Isabel. Nakilala niya sa UST si Magdalena Marcial, isa ring musiko, na kaniyang naging kabiyak. Biniyayaan sila ng dalawang anak.


Ernani Joson Cuenco. (2016). Retrieved from Pilipinas: https://www.pilipinas.bid/2019/11/ernani-joson-cuenco.html